Lente ng Kultura: Isang Panayam kay Mubarak M. Tahir

 

Mubarak Tahir


Mubarak M. Tahir ay isang manunulat na Maguindanaoan na nagmula sa Kitango, Datu Piang Maguindanao. Nakuha niya ang kanyang unang pambansang pampanitikan na parangal bilang 3rd Prize Winner para sa kanyang sanaysay sa Filipino na Aden Bon Besen Uyag-Uyag sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2017.

Siya ay isang writing fellow sa iba't ibang writing workshops sa bansa, tulad ng Davao Writers Workshop (2017), Palihang Rogelio Sicat, UP Baguio (2018), Iligan National Writers Workshop, MSU-IIT (2018), at UST National Writers' Workshop (2021).

Nalathala ang kanyang mga maikling kwento at tula sa Dagmay, SunStar Davao, ALPAS Journal, Cotabato Literary Journal, Philippines Graphic, Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature, Davao Harvest 3, Mindanao Harvest 5: Antology, Ani 40 ng Cultural Center of the Philippines, at iba pang publikasyon.

Nakamit niya ang kanyang Bachelor of Arts in Filipino (cum laude) sa Mindanao State University sa Marawi City. Siya ay kasalukuyang nagtuturo sa Mindanao State University General Santos.

Sa isang panayam, ikinuwento ni Tahir ang kanyang proseso ng pagsulat, panitikang Maguindanaoan at ang kanyang pinakabagong libro.



Yadu Karu: Kailan mo nalaman na gusto mong magsulat? Ito ba ay isang bagay na iyong pinangarap? O ito ay hindi inaasahang sandali ng iyong buhay?




Mubarak Tahir: Hindi ko pinangarap na maging manunulat hanggang sa nagkaroon ng pagkakataon na magsumite sa isang panawagan para sa pagbubuo ng aklat na Agam Book: Filipino Narratives on Uncertainties and Climate Change kung saan ito rin ang unang publikasyon ng aking akda. Masasabi kong hindi ito inaasahan ngunit nagbukas ng pagkakataon para suungin ko ang daigdig ng pagsulat.



YK: Bahagi ng pagiging manunulat ang pagbabasa ng iba pang akda. Anong mga gawa ang nakaimpluwensya sa iyong pagsulat?




MT: Malaki ang impluwensiya ng kursong tinapos ko na AB Filipino. Kinakain namin ang pagbabasa ng iba't-ibang panitikan bilang major subject. Dito ko nakilala ang mga tradisyonal na manunulat maging ng kanilang mga akda.






YK: Maaari mo bang ibahagi sa amin ang proseso ng iyong malikhaing pagsusulat?


MT: Lagi kong isinasaalang-alang ang pagiging katangi-tangi o uniqueness ng tema/paksa ng aking isusulat. Ano ang kaibahan nito sa iba. Ano ang tatak nito na wala sa iba.


Silong by Mubarak Tahir



YK: Maaari mo bang ibahagi sa amin ang iyong bagong libro na 'Silong'? Ano ang iyong inspirasyon sa likod nito?




MT: Simula nang maagkaroon ako ng pagkakataon sa pagsulat, nagsimula na rin akong mangarap na magkaroon ng sariling aklat. Hindi maikakakaila na iba ang pakiramdam ng may sariling aklat. Marahil ang pagkakaroon nito ay isang katuparan at pananagumpay ng isang manunulat sa larangan na ito.

Nitong Enero 2022 ay nailabas ang aking aklat na SILONG. Ito ay binubuo ng 12 maikling kuwento na umiikot sa lente ng kultura, pamumuhay at lipunang ng mga Maguindanaoan. Hindi pa ganoon kalawak ang panitikang Maguindanaoan, kung mayroon man ay limitado lamang kung kaya ito ang nag-udyok sa akin na bumuo ng aklat.


Mubarak Tahir




YK: Noong 2017, nanalo ka sa prestihiyosong Carlos Memorial Palanca Awards for Literature (kategorya ng sanaysay). Ano ang unang pumasok sa isip mo nang matanggap mo ang balitang nanalo ka?




MT: Halos hindi ako makapaniwala. Siguro para sa iilan, napakababaw lamang nito. Pero para sa isang nagsusulat at may alam sa kung ano ang Palanca Awards na katumbas ng Pulitzer Award, isa itong pangarap. Isa itong kumpirmasyon ng iyong pagiging manunulat lalo't ito ay nasyonal na pagkilala.



YK: Mahirap bang maging isang manunulat na Maguindanaoan?




MT: Mahirap. Lagi itong nangangailangan ng kamalayang panlipunan ng Maguindanaoan mula sa kung papaano mo gagamitin ang wika at kung papaano mo iaangat ang kultura nito. Lagi itong nangangailangan ng kumpirmasyon mula sa lipunang ipinakilala mo. Ang pagiging manunulat ay hindi lamang nagtatapos sa pagkukuwento kundi may kaakibat itong responsibilidad. Laging nangangailangan ng sapat na kaalaman sa mga nakatagong dunong at kung paano ito maihahanay sa mga umuusbong at kinikilalang dunong lipunan. Isa itong "jihad".



YK: Paano ka nakakatulong sa pagpapalaganap ng panitikang Maguindanaon o Moro sa tagpo ng Panitikan sa Pilipinas?




MT: Isa itong pakikipagbuno sa pagpapaangat at pagpapakilala sa mga rehiyonal na panitikan. Isa itong salik pampanitikan. Hindi maipagkakaila na may "boundary" pa rin ang rehiyonal at nasyonal na panitikan. Kaya ang isa sa mga malaking tungkulin ng mga rehiyonal na manunulat ay kung paano nila ipakikilala ang kanilang mga akda sa nasyonal na antas ng panitikan. Sa pamamagitan ng cultural devices na natatangi lamang sa pangkat ng Maguindanaoan ay nakatutulong tayo sa pagpapakilala at pagpapaangat ng panitikang Moro tungo sa nasyonal na pagkilala.


Mubarak Tahir



YK: Paano mo isinasama ang iyong lugar at pagkakakilanlan sa iyong pagsulat?




MT: Kung alam ng isang manunulat ang pinagmumulan ng kanyang piyesa, natural at kusa itong lilitaw mula sa paksa, tema, at iba pang elemento ng kanyang akda. Sa aking mga akda, dahil nga ang layunin ko ay umiikot lamang ito sa konteksto ng Maguindanao, mula sa paggamit ng wika, pangalan at katangian ng mga tauhan, kultura at lipunang kinabibilangan nito, sinisikap ko itong mapatingkad.



YK: Kasalukuyan kang nagtuturo sa isang unibersidad. Bilang isang tagapagturo, paano mo ikikintal sa iyong mga mag-aaral ang halaga ng pagkukuwento?




MT: Lagi kong sinasabi sa kanila na walang ibang taong may karapatan na pag-aralan at ikuwento ang mga danas, pinakaiingatang dunong at naratibo maliban sa inyo. Hindi ng mga tagalabas kundi kayo lamang ang makapagkuwento sa mga ito dahil identidad ninyo 'yan. Kayo lamang ang makapagtatakda at makapagkukumpirma sa katotohanan nito.



YK: Sa ngayon, ano ang pinakamahusay na payo na natanggap mo mula sa isang kapwa manunulat?


MT: Hindi ako ganoon ka interaktibo o laging may personal na ugnayan sa iba pang manunulat. Subalit dahil sa parehong landas, hangarin at layuni andon yung hindi nawawalang pahayag na, "Padayon sa pagsulat".



Mubarak Tahir



YK: Ano pa ba ang iyong mga plano sa pagsusulat sa hinaharap?




MT: Sa ngayon, patuloy pa rin ako sa pagsusumite ng aking mga akda sa iba't ibang panawagan para sa pagsusumite ng iba't ibang institusyon. Maliban dito ay wala pa akong nakikitang mga panibagong plano. May mga personal na pangangailangan na dapat unahin at bigyang pansin bilang bahagi rin ito ng pagpalaunlad sa sarili.




______________

Silong by Mubarak Tahir

Hindi sapat ang mga pahina ng aklat na ito upang isatitik ang makukulay na salaysayin ng bawat isa sa atin na nabubuhay sa isang komplikado at masalimuot na lipunan. Habang patuloy na hinahampas ng hangin ang mga makukulay na pandi at tumutunog ang bawat kulintang at agong ay maririnig ang bawat kuwento ng bawat isa. Ang aklat na ito ay isang pagsisikap upang masilip ang kalagayang panlipunan ng mga Moro sa natatangi at kakaibang lente ng naratibo.

You can order Silong on Ukiyoto site. 

Comments