Sarangani aking tahanan: Isang panayam kay Hannah A. Leceña

 

Hannah Adtoon Leceña


Si Hannah Adtoon Leceña ay isang manunulat mula sa Kiamba, Sarangani na naglalayong isulong ang lokal na panitikan sa bansa. Hindi naman siya nabigo sa kanyang adhikain dahil nagkamit naman siya ng pagkilala sa kanyang mga naisulat gaya ng Jimmy Balacuit Literary Awards at Satur Apoyon Prize (First Place) para sa kaniyang mga sugilanon.

Upang makatulong na mapabuti ang kanyang pagsusulat, naging fellow siya sa iba't ibang writing workshops sa bansa tulad ng Davao Writers Workshop (2018), Bathalad-Sugbu Creative Writing Workshop (2019), Iligan National Writing Workshop (2019), IYAS National Writing Workshop, at sa 59th Silliman National Writers Workshop. Fellow naman siya sa 5th Amelia Lapeña-Bonifacio Writers Workshop para sa Spoken Word (2021).

Contributor siya sa Dagmay, Cotabato Literary Journal, SunStar Davao, at Katitikan, para sa kaniyang mga sugilanon at balak. Natanggap din ang kaniyang dagli sa proyektong “2020: Ang Hinaharap sa Isang Iglap” ng Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman at sa antolohiyang Kalimbahin na inilunsad ng 7 Eyes Productions.

Kamakailan, nanalo siya ng unang premyo sa 2022 Lampara Awards para sa kanyang middle grade story na ‘Duday Taga Baybay at ang Kanyang Paghahanap sa Kanyang Tatay.’ Sa taong ito, inilathala ng Komisyon ng Wikang Filipino ang kanyang aklat na pinamagatang ‘Jonas’.

Siya ay kasalukuyang senior high school teacher sa J.B.T. Caing Sr. Memorial Integrated School, sa bayan ng Kiamba, probinsya ng Sarangani. Nagtapos siya ng BSEd-Filipino sa MSU-General Santos City bilang cum laude.

Sa panayam na ito, sinabi ni Hannah ang tungkol sa kanyang mga gawa, proseso ng pagsulat, kung paano niya isinasama ang kanyang lugar sa kanyang pagsusulat at kanyang mga plano.



Yadu Karu: Ano ang unang pumasok sa isip mo matapos mong malaman na nanalo ka sa Lampara Awards?



Hannah Adtoon Leceña: Blangko ang isip ko. Hindi ko alam kung paano ko ipoproseso ang lahat. Ang totoo hindi ako makapaniwala. No’ng mabasa ko kasi ang call for submission ng Lampara Prize alam kong iisa lang ang tatanghaling winner sa bawat category. Sabi ko imposibleng manalo pero gusto kong subukan. Ang nilahukan ko ay ang Open Division: Middle Grade Category at ito ang unang beses na nagsulat ako ng nobela para sa mga bata na may partikular na age-bracket. No’ng malaman kong ako ‘yong itinanghal na panalo, di ko mapigilan ang umiyak. Masayang-masaya, lalo na dahil pangarap ko lang dati na makapagsulat ng Panitikang Pambata.



Hannah Adtoon Leceña



YK: May bago kang libro na may pamagat na 'Jonas.' Ano ba ang inspirasyon mo sa pag sulat nang nobelang ito?




HAL: Sa baryo kung saan ako nakatira, ilang lakaran lang mararating na ang bukid/bundok, tapos ilang minuto lang din na paglalakad, puwede nang maglunoy sa dagat. Kaya naging malaking salik ang aking kapaligiran sa aking mga sinusulat. Inspirasyon ko ang baybay ng Tambilil, sa bayan ng Kiamba, Sarangani Province sa pagsusulat ng nobelang Jonas. Hinalaw ko ito sa Maikling Kuwentong Pagdunggo na naisulat ko noong 2020 at nagkamit ng Satur Apoyon Prize. Noong taon din na iyon nakilala ko si Dr. Vim Nadera, siya ang nagbigay sa akin ng ideya na sumulat ng nobela. Isa rin sa dahilan kung bakit nasulat ang nobelang Jonas ay dahil naantig ako sa napanood kong interbyu ng isang mananagat (mangingisda) sa national television. Sa episode na ‘yon ay ikinukuwento niya kung gaano kahirap pumalaot habang may banta ng seguridad laban sa ibang lahi. Sabi ko sa sarili ko, kailangan ko itong ikuwento sa aking konteksto.



YK: Gaano ba kahalaga ang pagsulat sa lokal na wika?




HAL: Kaya nasa wikang Sebuwano/Binisaya ang Nobelang Jonas ay dahil naniniwala tayo na ang naratibo natin ay mas mainam na nakasulat sa una nating Wika. Hindi kasi napaghihiwalay ang kultura at lenguwahe ng tao, kaya may mga panitikan sa rehiyon na kailangang isulat sa lokal na wika o mga Wikang Bernakular. Bakit ito mahalaga? Una, upang mapagyaman ang mga wika sa rehiyon, namamatay rin kasi ang wika kung hindi ito nagagamit. Mahalaga na naipapasa ito sa iba sa anyo ng pasulat o pasalita. Sunod na dahilan sa tingin ko ay mahalaga ang pagsusulat sa lokal na wika dahil ito ang identidad ng mismong pamayanan o lugar, mas makauugnay ang manunulat at mambabasa kung pareho nilang nauunawaan ang wika na kanilang ginagamit. Panghuli, mahalaga ang pagsusulat sa lokal na wika dahil sa pamamagitan nito ay nabubuhay din ang mga karunungang bayan, ang damdamin ng bayan at ang mismong alaala ng bayan sa pamamagitan ng panitikan.



YK: Ang pagiging manunulat ba ay isang bagay na iyong pinangarap? O ito ay hindi inaasahang sandali ng iyong buhay?




HAL: Ang totoo gusto ko lang maging guro. Natatandaan ko nga dati no’ng nasa kolehiyo ako, ang pinapangarap ko lang talaga ay ang maging Division Filipino Coordinator/Supervisor ng probinsiya ng Sarangani. Yon ang parang finished line ko. Pero nagbago ito no’ng pumunta ako sa library ng MSU-GSC upang makinig sa interbyu ni Jude Ortega. Aksidente pa ang pagpunta ko roon dahil nandoon lang ako para magbasa, tapos nakita ako ni Sir Kloyde Caday, inimbita niya ako. Sa pagkikitang iyon, pinakilala ni Prof. Rossel Audencial si Sir Jude Ortega, isang writer mula sa rehiyon, napag-usapan doon ang pagkakaroon ng Poetry Night, nakilala ko si Xi Zuq (MJ Tumamac) at ang iba pang manunulat sa rehiyon. 

Dahil sa mga poetry reading session at sa author talk nakatagpo ako ng bagong komunidad ng mga manunulat. Tapos simula no’n, sinubukan kong magsulat sa Wikang Sebuwano. Natatandaan ko ang una kong isinulat: Kung Ako ang Pasultihon at Ig-agaw. Sabi ni Jude Ortega - “mahusay ka pala magsulat sa Wikang Sebuwano.” Noong mga panahong ‘yon parang nakatulong siya upang mahiyakat ako na sumali sa Davao Writers Workshop (DWW) 2018. Wala rin akong sinabihan na sumali ako. Nakatutuwa, kanya-kanya kaming post nina Kurt Comendador, Sir Gik (Gerald Galindez), Tamtam (Michael John Otanes) at ni Ad Pregonir na natanggap nga kami sa writing fellowship. At doon nga nagsimula ang lahat. Pagkatapos ng DWW 2018 ay sunod-sunod na ang biyaya na natanggap ko sa larangan ng pagsusulat. Mabuti ang Diyos!



YK: Maaari mo bang ibahagi sa amin ang iyong proseso ng malikhain pagsulat?



HAL: Ang totoo, nagsusulat ako kapag may materyal ako. Unang-una tinitiyak ko na interesado ako sa ginagawa ko. Kapag nakaisip na ako ng konsepto nag-a-outline ako. Alam ko na kung ano ang simula, gitna at wakas, nabubuo ko na sa isip ko ang daloy ng kuwento. Pero may mga pagkakataon na kumikilos mag-isa ang mga karakter, nagkakaroon sila ng buhay, sila na ang nabubuhay sa kuwento at hindi na ang manunulat. Pagkatapos kong mabuo sa isip ko ang gusto kong mangyari sa kuwento, binabasa ko siya nang malakas. Hindi ko agad inaayos ang grammar o baybay ng mga salita, tinatapos ko muna ang narrative flow ng kuwento bago ko siya basahin ulit. Pagkatapos ng first draft saka ko isinaalang-alang ang kalinawan, kaugnayan at kaayusan ng teksto. Pagkatapos babasahin ko ulit nang malakas. Ganoon ako. Lagi kong binabasahan ang nanay ko ng mga sinusulat ko at katunayan siya pa nga ang nagkikritik sa mga likha ko.


Hannah Adtoon Leceña


YK: Kailan mo nalaman na gusto mong magsulat?



HAL: Hindi ko matandaan ang eksaktong pangyayari o yong “wow-moment o “ito na to moment”. Pero may saya kasi sa pagsusulat. Nabibigyan ka ng buhay. Isa siyang sining at arte na nagbibigay sa iyo ng kalayaan, pag-ibig at kaganapan. Hindi ko maipaliwanag dahil ganoon ang pakiramdam. Iba sa pakiramdam na mabasa mo ang iyong akda pero iba rin sa pakiramdam na mabasa ng iba ang iyong akda at nakakaugnay sila sa mga ito. Sa tingin ko ang buong proseso na ito ang dahilan kung bakit gusto ko ang pagsusulat. Marami akong nararanasan at natutuklasan hindi lamang sa aking sarili kundi sa iba.



Davao Writers Workshop 2018



YK: Bahagi ng pagiging manunulat ang pagbabasa ng iba pang akda. Anong mga gawa ang nakaimpluwensya sa iyong pagsulat?


HAL: Noong kolehiyo kami pinabasa sa amin ang mga akda nina Lualhati Bautista, Liwayway Arceo, Efren Abueg, Amado V. Hernandez at Andres Cristobal Cruz at iba pang mga manunulat. Karamihan sa mga ito ay kahinagin sa klase. Pero ang pinakapaborito ko talaga ay ang kuwentong Dalantao ni Alwin Aguirre, paborito ko rin ang librong Ang Labintatlong Pasaway na inedit ni Jun Cruz Reyes. Nandoon ang kuwento nina German Gervacio, Luna Sicat-Cleto, Roland Tolentino at Allan Derain. Nakapagbasa rin ako ng mga Sugilanon o Maikling Kuwento sa Wikang Sebuwano na isinulat ni Mac Tiu, Jondy Arpilleda, Errol Merquita, Manu Avenido at iba pang mga manunulat na nagsusulat sa Wikang Sebuwano. Sa tingin ko ang mga ito at ang iba pang akda ang nagbigay sa akin ng inspirasyon upang magkuwento rin. 

Bukod sa mga akda, malaking tulong din ang workshop sa akin, sa mga palihan kasi madalas marinig ang karunungan at ideya ng mga premyadong manunulat na maaari mong maging batayan o gabay upang paunlarin ang iyong mga katha, maging ang iyong pagtingin sa mga bagay-bagay.



Hannah Adtoon Leceña



YK: Paano mo isinasama ang Sarangani sa iyong pagsulat?


HAL: Ang Sarangani ang aking tahanan, ang aking kalibutan at ito ang lunan ng aking mga kuwento. Mula sa Santelmo, Ulan-init, Pagdunggo, maging sa nobelang Tandong na nagkamit ng 2nd Place sa PNU Normal Awards, ay naka-set sa aming baryo. Ang aking pamayanan mismo ang tagpuan sa aking mga sugilanon. Katunayan si Jonas na pangunahing tauhan sa nobela ay ang ama ni Duday na Taga-Baybay na siya ring karakter ng aking entry sa Lampara Prize. Nasa iisang komunidad lamang sila. Magkaka-ugnay. Kaya masasabi kong ang Sarangani ay palagi kong dala-dala sa aking mga sugilanon. Hindi lamang ang Sarangani bilang lunan ngunit ang Sarangani bilang mga taong may iba’t ibang mukha, boses, kaluluwa, pangarap, anyo, at dahilan ng pakikipagsapalaran.



YK: Sa ngayon, ano ang pinakamahusay na payo na natanggap mo mula sa isang kapwa manunulat?


HAL: Lagi akong bumabalik doon sa tanong na lagi kong naririnig sa mga writing workshop: “Para Kanino ka nagsusulat? Bakit ka nagsusulat?” Sa tingin ko mahalagang tanong yon. Kapag malinaw sa manunulat ang kanyang layunin, intensyon at dahilan ng pagsusulat, alam niya rin kung ano ang dapat at tamang gawin.

Kung payo naman ang pag uusapan, isa sa mga payo na lagi kong isinasapuso ay ang payo ni Dr. Alwin Aguirre, na siya ring payo ni Dr. Vim Nadera. Sa pagkaka-intindi ko, kapwa nila sinasabing mas mainam pa rin ang mabuting manunulat kaysa magaling na manunulat. Kaya naniniwala rin ako na mahalaga ang karakter ng isang manunulat. Lagi ko itong tinatandaan, mas mahalaga ang pagpapakatao higit pa man sa anomang awards, gantimpala o parangal.



Hannah Adtoon Leceña



YK: Ano ang iyong plano sa pagsusulat sa hinaharap?



HAL: Ang plano ko ay ipagpatuloy ang pagsusulat, lalo na ang pagsusulat tungkol sa Kamalayang Dagat/Kamalayang Tubig. Gusto kong magsulat pa tungkol sa rehiyon dose. Ang totoo plano ko rin mag-enrol ng Doctorate Degree sa Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman. Hindi ko alam kung matatanggap ba ako roon. Pero gusto ko talagang matuto pa sa larangan ng pagsusulat sa iba’t ibang genre. Wala rin kasi akong masyadong alam na teorya at -ismo sa pagsusulat. Gusto ko pa matuto ng napakaraming bagay.

Naniniwala akong marami pa akong dapat matutuhan. Marami rin akong gustong subukan at tuklasin. Pangarap ko magpublish ng mga personal na sanaysay balang araw. Nasubukan ko na ang pagsusulat ng maikling kuwento, nobela at creative non-fiction, pero di ko pa nasusubukan sumulat ng dula. Gusto ko siyang subukan. Hiling ko sa Diyos ay bigyan ako ng lakas upang maisakatuparan ang mga ito.







______


Jonas



Maaari nang bumili ng mga bagong aklat sa Komisyon sa Wikang Filipino!
Tumawag sa (02) 899-606-70 o mag-email sa rsrosita@kwf.gov.ph.

 


Comments