Pagtangkilik sa lokal na panitikan: Isang panayam kay Adrian Medina Pregonir

 

Adrian Medina Pregonir


Si Adrian Medina Pregonir ay isa sa mga manunulat ng rehiyon dose na ginagamit ang kanyang husay sa pagsulat upang ilabas ang mahahalagang isyu sa ating lipunan.

Si Pregonir ay mula sa bayan ng Banga, South Cotabato. Siya ay isang manunulat, makata, at mananaysay sa Hiligaynon, Kinaray-a, at Filipino. Bilang manunulat, ang kaniyang mga akda ay nagkamit ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (May Katotohanan Pa Pala), Gawad Rene O. Villanueva para sa personal na Sanaysay (Sapagkat Hindi Nalalasing ang Kasaysayan), Una nga Kabantugan (First Prize) sa Bantugan sa Panulatan Kinaray-a para sa Binalaybay (Mga Handurawan Kang Kapung-aw kag Iban Pa Nga Haibun), First Prize sa Gugma Balak (Rebecca) at Maikling Kuwento (Manang Arsilinda) mula sa Sulat SOX, at Kasingkasing Press Flash Fiction Competition (Ang Maambong nga Lalaki).

Ang kaniyang mga akda ay lumitaw sa mga babasahin, aklat, antolohiya at magasin tulad Liwayway Magazine, Tumandok Hiligaynon, Dagmay Journal, Cotabato Literary Journal, TLDTD: Biannual Journal for Filipino Poets, Lagalag: Antolohiya ng Tula (7 Eyes Productions), ANI 41 (Cultural Center of the Philippines), A Thousand Cranes Online (SingLit, Singapore), Kalazine II (KAL, UP Diliman) Dx Machina: Philippine Literature in the Time of COVID-19 Philippines (UP Likhaan-Diliman), Kasingkasing Press Nonrequired Reading in Time of COVID-19 (Kasingkasing Press), Luna Journal at marami pang iba.

Awtor siya ng tatlong zine sa Hiligaynon na “Erotika Handumanan,” “Hiligaynon Poetry Easy Recipes,” at “Kuyaphaw,” na lahat ay koleksiyon ng mga tula. Nakatanggap siya ng Literary Fellowship Grant para sa tula mula sa Davao Writers Workshop, UP Palihang Rogelio Sicat, San Agustin Writers Workshop, TAHAD: CNF Hiligaynon Workshop at Kahirupan Bantugan sa Panulatan Kinaray-a. Kasapi siya ng Manug-isa South Cotabato Writers Association.

Naging tagasalin (Hiligaynon tungong Filipino) din siya ng ilang segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho at mga tulang nailimbag sa mga aklat. Siya rin ay dating Disc Jockey ng Good Vibes Radio 90.5 FM at News Correspondent ng Youth for Truth Philippines na sumasahimpapawid sa Radyo Pilipinas at IBC TV 13. Ngayon, nagpapakadalubhasa siya ng Batsilyer sa Edukasyon Medyor sa Filipino sa Pamantasang Notre Dame ng Marbel. Isang rin siyang host, voice advertisement artist, at mang-aawit.

Sa isang panayam, binanggit ni Adrian Medina Pregonir ang tungkol sa kanyang proseso ng pagsulat, pinakabagong gawa at kung paano niya ginagamit ang kanyang mga sinulat upang itaas ang mahahalagang layuning panlipunan.



YADU KARU: Kailan mo nalaman na gusto mong magsulat? Ito ba ay isang bagay na iyong pinangarap? O ito ay hindi inaasahang sandali ng iyong buhay?


ADRIAN MEDINA PREGONIR: Maliit pa lamang ako, gustong-gusto ka nang magbasa at siyempre hindi pa ang pagsusulat. Noong nagtuturo pa si Mamang sa Hilltop Elementary School (na ngayon ay Isidro Hulom ES) sa Maasim, Sarangani Province, sa library ang opisina niya. Siyempre, kada uwi namin araw-araw, parang araw-araw din akong may dala na aklat—at patagong inilalagay sa bag ni Mamang—mula sa opisina niya pauwi sa bahay sa Bales, Maasim. Hindi na mawawala isipan ko na ang unang aklat na binasa at inihian ko dahil kinain ng anay ay ang illustrated book na “Walter the Baker” ni Eric Carle. Siguro danas ito sa pagbabasa pero naniniwala ako na ang pagbabasa ay isang akto ng pagsusulat, at dito, natagpuan ko ang mga materyal na dapat isulat at susulatin pa.



YK: Bahagi ng pagiging manunulat ang pagbabasa ng iba pang akda. Anong mga gawa ang nakaimpluwensya sa iyong pagsulat?


AMP: Tula ang unang dyanra na isinulat ko sa wikang Filipino, Hiligaynon at Kinaray-a at huli na ako nagsulat ng sanaysay. Noon, impluwensiya talaga sa akin ang mga tulang pansabayang bigkasan ni Patrocinio Villafuerte kaya sa unang salang ko sa palihan, sa Davao Writers’ Workshop—kung saan nagsugod ang tanan—iyon ay tulang pansabayang pagbikas. Pero napaka-cringe nang balikan ang mga ‘yun (haha). Gustong-gusto ko rin ang mga aklat nina Roberto Anonuevo lalo na ang “Pagsiping sa Lupain.” Mahal ko rin ang mga tula nina Lamberto Antonio, Rolando Tinio, Vim Nadera, Rio Alma, Fidel Rillo, Mike Bigornia, Gemino Abad, Reuel Aguila, at marami pang iba.

Dahil nagsusulat din ako sa Hiligaynon at Kinaray-a, at nakapagbabasa sa wikang Akeanon, unang minahal ko ang mga akda ni Leoncio Deriada. Hanggang sa nabasa ko rin ang mga impluwensiya at inspirasyon sina Sir John Iremil Teodoro (kung saan, siya tana ang nagduso para magsulat sa local language), si Pangga Gen o si Maam Gen Asenjo, Peter Solis Nery, John Barrios, Quin Baterna, Jay Tondares, Melchor Cichon, Alice Tan Gonzales, Maria Gibraltar, si Sir Henry Opulencia at si Nong Roming Roullo dito sa Banga, South Cotabato. Dahil sa kanila, natuto akong magsulat at natuklasan ko ang boses ko sa mundong ito ng panitikan.

Malaki rin ang tulong ng mga palihan kaya salamat sa Davao Writers Workshop, UP Palihang Rogelio Sicat, San Agustin Writers Workshop, Kahirupan Bantugan sa Pagsulat—Sulat Hanasan sa Binalaybay pati na rin ang TAHAD: Hiligaynon CNF Workshop.


Adrian Medina Pregonir



YK: Maaari mo bang ibahagi sa amin ang proseso ng iyong malikhaing pagsusulat?


AMP: Nagsusulat ako kapag mayroong materyal. Actually, lahat namang bagay ay isang poetic material. Ang mag-iiba lamag ay dapat naranasan mo ang isang bagay upang ito ay maging isang suitable poetic material sa iyo. Sa akin, dapat alam ko ang isang bagay bago makapagsulat ng tula. Isusulat ko muna ito bilang puwang, I mean, nagsulat ako pero walang laman, iyong bakante pa ang diwa ng buong tula. Pupunan ko na lang ang mga puwang sa panahon ng revision, naniniwala kasi akong diyan na lumilitaw ang tunay na pagsusulat. Pagkatapos kong ma-revise, babalikan ko na naman ito sa mga susunod na araw at titingnan kung ito ba ay puwede ko nang iluwal o hindi pa.


Adrian Medina Pregonir


YK: Maaari mo bang ibahagi sa amin ang iyong kamakailang nai-publish na gawa? Ano ang iyong inspirasyon sa likod nito?


AMP: Sa Dx Machina 4 Philippine Literature in the Time of COVID-19, Special Issue ito ng UP Likhaan, nagkaroon ng espasyo ang aking koleksiyon sa Filipino na isinalin ko sa Hiligaynon na “Huwad” o “Salimpapaw.” Mga tula ito tungkol sa COVID-19. Sa aking mga tula, kinolekta ko ang pambansang pagkahulagpos dulot nitong pandemya. Ukol ito sa inhustisya, red-tagging sa mga community pantry, corruption ng DOH, dogshow ng mga politico, kahirapan at ang pigado na pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 dito sa Pilipinas. Hinihigit ng koleksiyong ito ang kahakug o greed ng mga naghaharing-uri at mga nag-aastang diyos kuno sa lupa.



YK: Paano ka nakakatulong sa pagpapalaganap ng panitikang (South Cotabato) Hiligaynon sa tagpo ng Panitikan sa Pilipinas?


AMP: Unang-una na kayang gawin ng lahat ay ang pagbabasa at ang pagtangkilik – ay isang napakalaking tulong sa panitikang ito. Manunulat man o hindi, para makatulong sa paglago ng panitikang Hiligaynon at iba pang wika, dapat basahin natin ang mga ito dahil kolektibong danas at puwersa ito ng manunulat sa kaniyang sembiyotikong ugnayan sa lipunan.

Pangalawa, ang pagsusulat ko gamit ang wikang ito. Noon, parang ikinakahiya ko ang pagsusulat gamit ang Hiligaynon ng South Cotabato dahil sa tingin ko parang labas at labag ito sa panuntunan ng taal na Hiligaynon mula sa Western Visayas. Pero hindi. Doon ko rin natuklasan ang boses ko, ang paggamit ng varyant ng wika ko rito sa South Cotabato maging sa pagsusulat ko ng Kinaray-a. Naalala ko nga lang sa isang workshop (San Agustin Writers’ Workshop), sabi ni Doc John, dahil ako lang ang fellow noon mula sa Mindanao, umaasa siyang ang Hiligaynon ko ay nakasulat sa Hiligaynon ng Mindanao. Pero hindi rin (haha). Nakasulat iyon sa literary Hiligaynon. Iyong Hiligaynon na hindi conversational.

Pero amo gani na, ang pagbabasa at pagsusulat gamit ang sariling wika, o sa wikang talagang sanay tayo, iyon ay isang malaking tabang sa pagpapalago ng ating sariling dila, ng panitikan, at ng ating pagkatao. Wara it kaso ang pagsau kang language dahil diyan din natin natutuklasan ang kasaysayan ng tao.


Adrian Medina Pregonir


YK: Aktibo ka ngayon sa mga pakikibaka sa ating rehiyon. Sa tingin mo, gaano ba kahalaga ang pagsusulat upang itaas ang kamalayan sa mga isyung panlipunan?


AMP: Radikal ang pagsusulat. Palagi nating naririnig iyan. Naniniwala ako na hindi ka manunulat kung hindi ka nakapagsusulat na politikal ang iyong tema. Well, kahit pag-ibig ang materyal ito rin naman ay radikal din. Ngunit iba ito: iyong nakaangkla sa pakikibaka at pagtanaw sa usaping panlipunan at mga diyalektikang nakapalibot sa lagay at estado ng tao.

Ang pagsusulat hinggil sa isyung panlipunan ay nakaugat sa politika at ideolohiya ng isang tao o pangkat. At ang pagsusulat ukol dito ay siyang nagpapataas ng ating pagkatao dahil kailanman ang pagtula ay hindi maikakahon sa isang panig lamang. Hindi ito neutral. Ito ay may panig tulad ng ibang bagay liban na lamang sa dibinidad ng kung ano mang pananampalataya sa dakilang Lalang. Pero kung nagsusulat tayo tungkol sa mga suliranin sa lipunan at tunggalian ng mga uri, lalo na sa ating lugar, mas nakikilala natin ang ating lipunan. At dito umaalagwa na ang ating akda ay nagiging kinatawan upang buksan ang pang-unawa at kalooban ng isang karaniwang tao.



YK: Paano mo isinasama ang iyong lugar at pagkakakilanlan sa iyong pagsulat?


AMP: Walang makahihigit pa sa katiwasayan na dala ng sariling tahanan. Naalala ko na sa Ani 41 Anthology ng Cultural Center of the Philippines, mayroong akong limang akdang naroon. Paglalakbay kasi ang tema ng tono. Iyon ay mga tula ng paglalakbay na nakasentro sa mga bayan, barrio at sitio dito sa South Cotabato. Hindi ko nga rin inaasahan na ginagamit pala ang koleksiyon na iyon sa ilang Pamantasan at mayroon ding mga papel-pananaliksik at kritika hinggil sa mga tulang iyon. Palagi kong dala ang lugar ko sa mga tula at sanaysay ko at ito ay dahil sa tingin ko, ang unang responsabilidad ng manunulat ay ang pagsusulat tungkol sa kaniyang pakikipagsapalaran at pagtuklas sa kaniyang lugar. Bilang manunulat dapat iisipin mong turista’t abenturero ka sa iyong lugar upang makapagsilang ka ng natatanging kuwento sa lupalop ng iyong daigdig dahil tiyak akong hindi mo pa kabesado ang mga sulok nito.



Adrian Medina Pregonir


YK: Noong 2019, nanalo ka sa prestihiyosong Carlos Memorial Palanca Awards for Literature (kategorya ng Kabataan Sanaysay). Ano ang unang pumasok sa isip mo nang matanggap mo ang balitang nanalo ka?


AMP: Masaya talaga siyempre. Pangarap ito ng mga manunulat sa tingin ko dahil alam kong may iba ring ayaw ang mga ganito. Pero ka ko hindi rin iyon ang sukatan upang ako ay maging isang manunulat. Balidasyon? Siguro. Makilala? Baka. Magkaroon ng koneksiyon? Puwede. Ang punto ko rito, kailangan ding makisangkot ng manunulat sa timpalak, pero ito lamang ay mga palamuti sa pangalan. Mahalaga pa rin ang publikasyon at walang tigil na pagsusulat dahil kailanman walang sinoman ang makapagmomonopolyo sa kakayahang magsulat. Bukod sa publikasyon, mahalaga pa rin ang pagiging mapagpakumbaba. Hindi matutumbasan ng Palanca Gold ang asal na balahura.




YK: Sa ngayon, ano ang pinakamahusay na payo na natanggap mo mula sa isang kapwa manunulat?


AMP: Padayon sa pagsusulat! Hindi madali ang magsulat. Hindi sapat ang inspirasyon. Dapat paghirapan ito. Kaya, lagi’t lagi padayon lang sa pagsusulat. Sino pa ba ang magtutulungan sa komunidad? Tayo lang naman, except sa mga ano, alam mo na… period.



YK: Ano pa ba ang iyong mga plano sa pagsusulat sa hinaharap?


AMP: Nagpaplano akong magpalabas ng aklat na nakasulat sa Hiligaynon, mga prosa binalaybay. Pero hindi pa ito 100 percent. Ang sa ngayon, publikasyon muna sa mga antolohiya, aklat, magasin at mga diyornal at hindi titigil sa pagsusulat.







 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 


Comments